Home NATIONWIDE Comelec pinakikilos vs Pasig congressional candidate na nagbiro sa solo parents

Comelec pinakikilos vs Pasig congressional candidate na nagbiro sa solo parents

MANILA, Philippines- Umapela si Gabriela Partylist Rep. at House Assistant Minority Leader Arlene Brosas sa Commission on Elections (Comelec) na kumilos laban sa isang kandidato sa pagka-kongresista sa Pasig City matapos itong mag-viral sa social media dahil sa pagbibitaw ng biro laban sa mga kababaihang solo parents.

Ayon kay Brosas, dapat kumilos ang Comelec sa insidenteng kinasasangkutan ni Atty. Christian Sia kung saan sinabi nito na ang solo parents na dinadatnan pa ng buwanang-dalaw at nalulungkot ay maaaring sumiping sa kanya at magpalista lamang.

Ani Brosas, hindi magandang biro ito ni Sia.

Giit ng mambabatas, hindi dapat bigyan ng platform ang mga kandidato na kinakasangkapan ang mga babae para suportahan ang kanilang baluktot na pag-uugali.

Naniniwala ang mambabatas na may merito para sa diskwalipikasyon ang mga naturang kandidato.

Nais din ni Brosas na masampahan ng disbarment case si Sia dahil sa immoral conduct.

Sa panig ni House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera, sinabi nito na hindi dapat ginagamit na topic ang solo parents.

Para naman sa National Council for Solo Parents Inc., minamaliit ng biro ang hirap na pinagdadaanan ng solo parents kaya hindi dapat sila gamitin sa mga punchline para lang humiling ng boto.

Ipinunto ni NCSPI Secretary General Redd de Guzman hindi ito nakakatawa at sumasalamin sa kawalan ng respeto sa kababaihan at solo parents na araw-araw kumakayod para sa pamilya.

“Sa halip na gawing paksa ng kabastusan para makakuha ng atensyon ay marapat umanong itaguyod ang respeto at dignidad sa kampanya at ilatag ang mga tunay na solusyon,” pagtataposĀ  ni de Guzman.Ā Gail Mendoza