MANILA, Philippines- Naghain ng motu propio disqualification petition ang Commission on Elections (Comelec) Task Force SAFE laban kay Silang, Cavite mayoralty candidate Alson Kevin Anarna, dahil sa kanyang pahayag sa solo parents.
Ito ay matapos labagin ni Anarna ang anti-discrimination resolution para sa Eleksyon 2025.
Nag-ugat ang disqualification mula sa show-cause order (SCO) na inisyu ng komisyon laban kay Anarna sa kanyang pahayag sa kanilang campaign rally noong Marso.
“Sino dito ang mga solo parents? Bakit parang dumami ang solo parents? Kasi lahat ng solo parents bibigyan natin ng libreng asawa. Ang gagawin natin, lahat ng balong lalake at lahat ng balong babae, ira-raffle na lang natin ‘yan. Ha, pasensiyahan na lang tayo kung kanino kayo mapupunta, kasi pagkabunot ng pangalan ninyo, derecho kasal kay Mayor Kevin,” sabi ni Anarna sa campaign sortie.
Nauna nang sinabi ng Comelec na kinokonsidera ito bilang gender-base harassment sa ilalim Comelec Resolution 11116 na nagpapatupad ng Anti-Discrimination annd Fair campaigning Guidelines kaugnay ng Republic Act 11313 o ang Safe Spaces Act. Humingi na ng paumanhin si Anarna sa kanyang mga inihayag. Jocelyn Tabangcura-Domenden