MANILA, Philippines- Natukoy na ng Makati Police ang person of interest sa kakaibang robbery incident na nangyari sa Japanese restaurant sa Arnaiz Avenue (Pasay Road), Makati City noong Linggo.
Base sa CCTV footage na nag-viral online, dalawang armadong lalaki ang pumasok sa restoran na kapwa nakasuot ng helmet, ang isa ay nakasuot ng itim na jacket, habang ang isa ay naka-uniporme ng Joyride.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Anthony Aberin, kinuha ng mga suspek ang cellphones, bags, at mamahaling accessories ng mga customer pero isinauli rin nila bago umalis maliban sa pitaka ng Japanese customer na naglalaman ng P25,000 na tinangay ng isa sa mga suspek.
Lumalabas din umao sa imbestigasyon na ang registered plate number ng motorsiklo ay hindi tugma sa Joyride, at natukoy kung sino ang posibleng may-ari kaya inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek. Dave Baluyot