MANILA, Philippines – Layon ng Commission on Elections (Comelec) na maresolba ang lahat ng kasong may kinalaman sa disqualification at cancellation of candidacy ng mga kandidato sa national at legislative district positions bago matapos ang buwan ng Hunyo.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kabilang sa mga kasong ito ang sa mga tumatakbo bilang senador, party-list representative, at mga kinatawan ng mga legislative districts.
“Ang timeline natin ay bago mag-Hunyo 30 ay dapat maresolba na ang mga kasong ito,” pahayag ni Garcia. “Pinoproseso na namin ang libu-libong nakabinbing kaso sa kasalukuyan.”
Sinabi ni Garcia na inaasahan ang paglalabas ng mga desisyon sa mga susunod na araw.
“Tulad ng mga nakaraang araw, patuloy ang paglalabas ng desisyon kaugnay ng mga disqualification cases ng mga kandidato,” aniya.
Binigyang-diin pa ni Garcia na maglalabas ang Comelec ng desisyon kahit na ang kandidato ay naiproklama na o natalo sa halalan.
“Ang disqualification case ay may dalawang aspeto: maaaring pagtatanggal bilang kandidato, at election offense na itinuturing na kasong kriminal. Puwedeng makaligtas sa disqualification, pero hindi sa election offense,” paliwanag niya.
Samantala, para sa mga election protest, nilinaw ng Comelec na may hurisdiksyon lamang ito sa mga lokal na posisyon tulad ng gobernador, bise gobernador, miyembro ng sangguniang panlalawigan, alkalde, bise alkalde, at miyembro ng sangguniang panlungsod.
“Hanggang kahapon, dagsa ang mga naghain ng election protest. Ang 10-day period para sa paghahain ng protesta ay mandatory at hindi pwedeng palawigin,” ayon pa kay Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden