Home TOP STORIES COMP, nanawagan ng mabilis na aksyon sa kaso ng pagkakadetine sa FNI...

COMP, nanawagan ng mabilis na aksyon sa kaso ng pagkakadetine sa FNI chair

121
0

Manila, Philippines — Nanawagan ang Chamber of Mines of the Philippines (COMP) sa pamahalaan na agarang aksyunan ang kaso ni Joseph Sy, chairman ng Global Ferronickel Holdings Inc. (FNI), na nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) mula pa noong Agosto 21, 2025.

Ayon sa COMP, nananatili si Sy sa detention facility ng BI nang walang malinaw na legal na batayan.

Binigyang-diin ng grupo na ang Platinum Group Metals Corporation (PGMC), isang affiliate ng FNI, ay kasapi ng COMP na may magandang rekord. Dagdag pa nila, si Sy ay kilala bilang tagapagtaguyod ng responsible at sustainable mining, alinsunod sa mga prinsipyong itinataguyod ng Chamber.

Ayon pa sa pahayag, Filipino citizen umano si Sy — bagay na dalawang beses na umanong kinilala ng BI sa magkahiwalay na desisyon. Nakakabahala umano na ang parehong ahensya na kumilala sa kanyang citizenship ay siyang nagpatupad ng umano’y iligal na pag-aresto at detensyon.

Giit ng COMP, ang sitwasyon ay labag sa mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon at maaaring magdulot ng negatibong epekto sa business at investment climate ng bansa. Anila, “hindi magandang senyales” ito para sa pamumuhunan sa sektor ng mineral, lalo na’t pinagsisikapan ng gobyerno na ilagay ang Pilipinas bilang isang maaasahang supplier ng critical minerals sa pandaigdigang merkado.

Nanawagan din ang Chamber sa mga awtoridad na igalang ang due process at agarang palayain si Sy. Posible umanong magresulta ito sa pagkawala ng tiwala ng lokal at dayuhang mamumuhunan kung magpapatuloy ang kanyang pagkakakulong.

Tiniyak naman ng COMP na mananatili silang katuwang ng pamahalaan at ng industriya upang maisulong ang isang sustainable, transparent, at patas na sistema sa pagmimina. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here