Home NATIONWIDE Compromise deal sa gobyerno at Marcos crony family, aprub sa Sandiganbayan

Compromise deal sa gobyerno at Marcos crony family, aprub sa Sandiganbayan

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Sandiganbayan ang compromise agreement sa pagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) at ang mga tagapagmana ni Roman Cruz Jr., ang umano’y crony ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Si Cruz ay dating president at general manager ng Government Service Insurance System.

Sa walong pahinang resolusyon, kinatigan ng Sandiganbayan Second Division ang Joint Omnibus Motion filed ng PCGG at mga tagapagmana ni Cruz.

Batay sa mosyon, pumayag ang gobyerno na hindi na itutuloy ang mga civil cases laban kay Cruz kapalit ng pagkuha ng gobyerno ng ilang naiwan na ari-arian, shares of stocks at laman ng escrow account.

Sinabi ng Sandiganbayan na walang nilalabag na batas ang Compromise Agreement kung kaya inaatasan nito ang mga kaukulang ahensya na isalin ang mga tirulo at mga properties sa pangalan ng Pilipinas.

“The compromise agreement is APPROVED and the relevant agencies and offices are directed to transfer of the titles and real and personal properties to the Republic of the Philippines based on the compromise agreement.”

Kabilang dito ang dalawang units sa Camp Sioco at dalawang lupain sa Leonard Wood Road sa Baguio City, residential lots sa Barangay San Roque at Barangay Sta. Cruz sa Antipolo City. Mayroon din shares of stocks sa isang telecommunications firm at ang ₱1.1 million na nasa escrow account.

Nitong nakaraan buwan ibinasura ng anti-graft court ang wealth forfeiture case laban kay Marcos Sr., dating First Lady Lady Imelda Marcos at si Cruz dahil sa tagal na pagkakabalam ng kaso.

Nagkasundo ang mga prosecutor at ang kampo ni Marcos na idismis ang kaso dahil wala ng alegasyon sa estate ng dating pangulo.

Ayon sa PCGG hindi rin tutol ang Office of the Solicitor General at Department of Justice sa compromise agreement matapos itong irebyu. Teresa Tavares