Nanawagan si Leody de Guzman, lider ng mga manggagawa at kandidato sa pagkasenador, na alisin ang confidential at intelligence funds (CIF) para sa mga ahensyang sibilyan, na kanyang tinawag na bagong anyo ng pork barrel na nagiging ugat ng katiwalian.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni De Guzman na maghahain siya ng panukalang batas upang ipagbawal ang CIF kung siya ay mananalo sa Senado.
Ayon kay De Guzman, walang lugar ang CIF dahil hindi ito transparent at mahirap singilin ng pananagutan. Aniya, sapat na ang pondo ng mga ahensyang tulad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), pulisya, at militar para sa intelligence needs, kaya’t hindi na ito dapat ipagkaloob sa mga sibilyan.
Ang pahayag ni De Guzman ay kasunod ng mga alegasyon ng iregularidad sa paggamit ng CIF sa ilang opisina ng pamahalaan, kabilang na ang sa ilalim ng pamumuno ni Bise Presidente Sara Duterte.
Bukod sa laban kontra katiwalian, binigyang-diin din ni De Guzman ang kanyang kampanya para sa karapatan ng mga manggagawa, partikular ang dagdag na ₱750 sa sahod ng mga Pilipino. Ani niya, ang kasalukuyang minimum wage na ₱645 sa Metro Manila ay malayo sa ₱1,207 na living wage na itinakda ng gobyerno.
Bukod sa wage hike, isinusulong din ni De Guzman ang wealth tax para sa mga bilyonaryo, direktang demokrasya, at pagbabawal sa political dynasties. Bilang kinatawan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, kilala si De Guzman sa kanyang pro-poor at pro-worker na mga adhikain. RNT