MANILA, Philippines – BUMABA ng 16% ang confidential and intelligence funds (CIFs) sa panukalang 2025 national budget kumpara sa alokasyon nito sa 2024 General Appropriations Act (GAA).
Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman na inaprubahan ng DBM ang kabuuang P10.29 billion (B) budget para sa CIFs, kung saan ang P4.37 bilyon ay inilaan para sa Confidential Expenses at P5.92 bilyon para naman sa Intelligence Expenses.
Sa 2024 GAA, ang CIF ay binigyan ng P12.38 billion allocation.
“Bumaba po ng 16% ang allocation para sa confidential and intelligence funds sa 2025 NEP kumpara sa alokasyon nito sa 2024 GAA,” ayon sa Kalihim.
Sinabi pa ni Pangandaman na nakatanggap ang DBM ng kabuuang CIF budget proposal na P11.39 billion mula sa iba’t ibang ahensiya, P5.22 bilyon ay para sa CF at P6.17 bilyon para naman sa IF.
Binigyang diin ni Pangandaman na ang mga ahensiya ay kinakailangan na sundin ang guidelines sa paggamit ng CIFs.
Nauna rito, opisyal nang tinurn-over ng DBM ang 2025 National Expenditure Program (NEP) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isang simpleng seremonya nito lamang Hulyo 29, 2024, araw ng Lunes. Kris Jose