MANILA, Philippines- Handa si Ombudsman Samuel Martires na bitawan ang ₱51.5 milyong confidential funds na hinihiling para sa tangapan nito.
Sa ginanap na House budget briefing, iginiit ni Martires na kaya ng Ombudsman na magtrabaho kahit wala ang naturang pondo.
Ayaw ni Martires na madamay ang Ombudsman sa iniisip ng ilan na magagamit ang confidential funds sa maling paraan.
Ang pahayag ni Martires ay tugon sa mga katanungan ni ACT Teachers Rep. France Castro hinggil sa paglalaan lamang sa tangapan ng P1 milyong confidential fund sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act at kung bakit halos kalahati lamang sa ₱115 milyon ang inaprubahan ng DBM para sa confidential funds ng Ombudsman sa susunod na taon.
Sinabi ni Martires na balewala sa kanya na makakuha lamang ng P1 milyon muli o zero confidential funds, dahil mas nanaisin niya na mabigyan ng dagdag-pondo ang personnel service at capital outlay.
Mas nanaisin pa aniya niya na hindi mabigyan ng confidential fund hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino upang hindi mapagdudahan ng publiko kung saan nagagamit ang pondo. Teresa Tavares