MANILA, Philippines- Posibleng imbestigahan ng Supreme Court (SC) si Atty. Elmer Galicia, ang abogado sa Bulacan na nagnotaryo sa counter-affidavit ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ipinaliwanag ni SC spokesperson Camille Ting na may kapangyarihan ang Mataas na Hukuman na awtomatikong mag-imbestiga kahit walang pormal na humihiling o nagrereklamo.
“Generally, the court usually would wait for a complaint to be filed. But the court has the power to act in a motu poprio or on its own authority, especially when there are facts and reports already submitted,” ani Ting.
Magugunita na inamin ni Galicia na hindi personal na pinanumpaan ni Alice Guo ang kanyang counter-affidavit na isinumite sa Department of Justice.
Ang naturang dokumento ay ninotaryo ni Galicia nitong Agosto 14 kung kailan wala na sa bansa si Guo.
Batay sa Supreme Court sa desisyon na inilabas noong 2018, ipinaalala sa mga notary public na hindi maaaring magnotaryo ng dokumento hangga’t hindi ito personal na humaharap sa notary public upang patunayan na pawang katotohanan ang mga nakasaad sa dokumento. Teresa Tavares