MANILA, Philippines- Hiniling ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Bureau of Immigration na pigilan ang mga manggagawa ng gaming operators na lisanin ang bansa sa pamamagitan ng connecting flights.
Ang katwiran ng PAOCC, may ilang tumatakas sa proseso ng deportasyon.
Sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio, hindi sila papayag na magkaroon pa ng transit flights mula Pilipinas.
“Pinagbigay alam namin ‘yan sa Immigration. Yung ibang Chinese matatalino, kumukuha ng ticket for deportation. Manila-Kuala Lumpur, Manila-Macau-Shanghai. Pagdating ng Macau, pagdating ng Kuala Lumpur, hindi na pumapasok sa connecting flight pauwi sa China. Bawal yun. As far as China is concerned, ang kailangan ay direct flight,” ang sinabi ni Casio.
“We made a plea with the Bureau of Immigration. The unit that deports… We made a plea to them, do not allow transit flights for deportation if it is via voluntary deportation, via departure, or via summary deportation especially if they are Chinese,” dagdag niya.
Ang gobyerno aniya ng Tsina ay mayroong extraterritorial provision na nagsasaad na ang kanilang mga mamamayan ay makagagawa rin ng kahalintulad na krimen at daranas ng consequences kahit pa nakagawa sila ng krimen ng pagsusugal sa labas ng kanilang bansa.
“Kapag nag-iimbestiga sila sa China, kung anumang resulta ng kanilang imbestigasyon binabalik nila sa commission. Binibigyan nila kami ng copy ng report kaya nahahabol namin dito sa Pilipinas ang kanilang mga boss. It’s very important that they should be set back directly to China,” ani Casio.
Nauna rito, sinabi ng PAOCC na gumastos ito ng P210 milyon sa nakalipas na dalawang taon para sa detensyon ng mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators na inaresto mula nang magsimula ang paglansag dito (POGO) noong 2023.
Hanggang noong February 14, may 12 kaso ang isinampa laban sa POGO personalities, habang walong ibang kaso naman ang sumasailalim sa preliminary investigation, base sa datos mula sa PAOCC.
Samantala, sinabi ng ahensya na naghahanda na ito ng 13 iba pang kaso na iniuugnay sa illegal gambling operations sa bansa. Kris Jose