ZAMBOANGA CITY – Inaresto ng mga awtoridad ang isang construction worker, na tinaguriang high-value individual (HVI), at nasamsam mula sa kanya ang humigit-kumulang PHP1.02 milyong halaga ng “shabu” sa isinagawang anti-drug operation sa lungsod na ito, sinabi ng pulisya nitong Martes.
Sa ulat, kinilala ng Philippine National Police Drug Enforcement Group-Zamboanga Peninsula (PNPDEG-9) ang naarestong suspek na si Munjimar Amdad, 33, ng Sitio Asinan, Barangay Kasayangan, nitong lungsod.
Sinabi ng PNPDEG na naaresto ang suspek sa isang buy-bust operation Lunes ng gabi sa isang lokal na mall sa Barangay Tetuan.
Nakuha mula sa suspek ang humigit-kumulang 150 gramo ng hinihinalang shabu na inilagay sa mga plastic pack, ang boodle money, at isang mobile phone.
Nasa kustodiya ng Zamboanga City Police Station 6 ang suspek bilang paghahanda sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang anti-drug operation noong Lunes ng gabi ay isinagawa dalawang araw matapos arestuhin ng mga awtoridad ang tatlong indibidwal at nasamsam ang humigit-kumulang PHP20.4 milyong halaga ng shabu sa lungsod na ito. RNT