Pinuri ng ilang senador ang pagkakalagda sa Magna Carta of Filipino Seafarers Act ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magbibigay proteksiyon sa lahat ng marinong Pinoy sa buong mundo.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi nina Senador Grace Poe, Manuel “Lito” Lapid at Cynthia Villar na lubos nang nagkaroon ng proteksiyon ang ating marino sa kanilang paglalayag sa anumang panig ng mundo..
Ayon kay Poe, nagdulot ng bagong batas ng bagong “mantle of protection” na higit na kailangan ng mga Filipinong maglalayag na sinusuong ang delikado at mahirap na pamumuhay sa karagatan.
“Naghatid ito ng malinaw na mensahe sa lahat ng shipping companies at operators na sa lahat ng panahon, dapat arugain sila nang patas at responsible sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na sahod at tiyakin ang kanilang kaligtasan at pamantayan sa kagalingan,” ani Poe.
Sinabi pa ni Poe na pangunahing nilalaman ng Magna Carta ang karapatan ng marino na mag-organisa at bumuo ng isang collective bargaining na dapat itaguyod upang mapabuti ang kondisyon sa kanilang pinagtatrabahuhan.
“Filipino seafarers face increasingly challenging environments which should be addressed as they play a vital pillar in the world’s maritime industry,” ayon kay Poe.
Kasabay nito, ikinagalak din ni Lapid ang paglagda sa Magna Carta na magbibigay nang dagdag-proteksiyon at nagtatakda ng pantay na sahod at benepisyo para sa lahat ng Filipino seaman.
Layunin din ng batas na isailalim ang lahat ng Pinoy seafarers sa pagsasanay at pagpapaunlad na akma sa pangdaigdigang pamantayan.
“Malaking hakbang ito para sa pangangalaga sa mahigit sa 600,000 Pilipinong marino sa buong mundo na karamihan ay nahaharap sa panganib sa paglalakbay at pag-abuso ng ilang shipping company,” ayon kay Lapid.
Si Lapid ay isa sa co-author ng Magna Carta of Filipino Seafarers o ang Senate Bill No. 2221.
Personal na sumaksi naman si Villar sa paglagda sa Magna Carta na ginanap sa Palasyo nitong Setyembre 23, 2024.
Ayon kay Villar na isa sa co-author ng batas, at matagal ng supporter ng Filipino seafarers, na ginagarantiyahan nito ang proteksyon ng mga karapatan at kapakanan ng domestic at overseas seafarers.
“Tinitiyak din ng batas ang pantay na opportunidad sa ating maritime industry na naaayon sa domestic at international law,” paliwanag ni Villar. Ernie Reyes