ZAMBOANGA CITY – Isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa karumal-dumal na krimen sa Lamitan siege noong 2000 at may patong na P600,000 para sa kanyang pagkakadakip ay inaresto ng mga awtoridad sa lalawigan ng Basilan, sinabi ng pulisya nitong Martes.
Kinilala ni Brigadier General Bowenn Joey Masauding, Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9) director, ang naarestong miyembro ng ASG na si Mobin Kullin, na mahigit isang dekada nang nagtatago.
Sinabi ni Masauding na naaresto si Kullin sa isang operasyon noong Lunes sa Barangay Tabiawan, Isabela City, ang kabisera ng lalawigan ng Basilan.
Sinabi niya na si Kullin ay mayroong standing warrant of arrest para sa krimen ng kidnapping at illegal detention na walang inirekomendang piyansa na inisyu ng korte sa Isabela City noong Mayo 6, 2002.
Nakalista rin si Kullin bilang isa sa mga most wanted person ng bansa sa ilalim ng joint order ng Department of National Defense-Department of the Interior and Local Government na may reward na PHP600,000 para sa kanyang pagkakadakip.
Sinabi ni Masuding na sangkot din si Kullin sa maraming kidnapping, kabilang ang pagsalakay ng Golden Harvest Plantation sa Barangay Tairan, Lantawan, noong Hunyo 11, 2001, bukod sa pagkubkob sa Lamitan noong 2000.
Sa pagsalakay, dinakip ng mga bandido ng ASG ang 15 manggagawa sa plantasyon at pinatay ang lima sa kanila. Ang iba ay nakatakas o nailigtas sa mga operasyong militar.
Dagdag pa, nakasaad sa rekord ng pulisya na ang naarestong suspek ay dating miyembro ng Abu Sayyaf Group sa ilalim ng mga sub-leaders na sina Ustadz Kalah, Khadaffy Janjalani, at Isnilon Hapilon, na pawang dating nag-ooperate sa Lantawan, Basilan.
Si Kullin ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Grouo-9 para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. RNT