Home NATIONWIDE Halos 2K pamilyang nasunugan sa Tondo inayudahan ni Sen. Tol

Halos 2K pamilyang nasunugan sa Tondo inayudahan ni Sen. Tol

MANILA, Philippines – HINILING ni Senate Majority Floor Leader Francis “Tol” Tolentino na maaprubahan ang kaniyang inihaing batas na pipigil sa mga pribadong kompanyang nangangasiwa sa tubig, kuryente, at internet na pansamantalang huwag singilin ang mga pamilyang maaapektuhan ng sakuna at kalamidad tulad ng bagyo, sunog at iba pa.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Tolentino kasabay ng kanyang personal na pagdalaw sa halos 2,000 pamilyang biktima ng malaking sunog na naganap sa Aroma Compound sa Road 10, Tondo nito lamang Setyembre 14, upang mamahagi ng relief goods sa mga apektadong pamilya Martes ng umaga.

Ayon sa Senador, siya ang nagpasa ng batas noong panahon ng pandemya na habang may Covid, dapat ay hulugan o “3-gives” ang pagbabayad sa kuryente, tubig, at internet dahil hirap ang buhay noon ng mamamayan,

Kaugnay nito, pinawi rin ng Senador ang pangamba ng mga nasunugan na bibilhin ng pribadong kompanya ang isang ektaryang lupang kinatatayuan ng nasunog na tenement buildings kaya’t inilapit nila sa lokal na pamahalaan na ideklara ng ‘permanent housing site’ ang lugar para sa katulad nilang mga informal settlers.

Ayon kay Tolentino, hindi puwedeng bilhin ng anumang pribadong kompanya ang naturang lupa dahil pag-aari na ito ng National Housing Authority (NHA) at nakalaan talaga para pagtatayuan lamang ng pabahay ng pamahalaan para sa mahihirap.

Iginiit naman ni Tolentino na kakausapin niya si NHA General Manager Joeben Tai upang mapabilis ang pagtatayong muli ng matitirhan ng libo-libong pamilyang nawalan ng tirahan sa naganap na malaking sunog. JR Reyes