Home NATIONWIDE Consultancy firm na nag-aalok ng trabaho sa Germany pinasara ng DMW

Consultancy firm na nag-aalok ng trabaho sa Germany pinasara ng DMW

MANILA, Philippines – Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isa pang consultancy firm sa Maynila na nag-aalok ng trabaho sa Germany.

Pinangunahan ni DMW Officer-in-Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, ang pagsasara sa Gisgerman Document Facilitation Services (GIS Manila) sa Pablo Ocampo Sr. St., Malate, kasama ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), sa koordinasyon ng Manila Police District.

Ayon kay Cacdac, nangangako ng trabaho ang GIS Manila sa Germany bilang hotel workers, caregivers at nurses na walang kaukulang lisensya mula sa DMW at walang lehitimong job orders.

Naniningil din aniya ito ng labis na bayad na P102,000 para sa isang serye ng pagsasanay sa wika, na humihingi ng paunang downpayment na P5,000 bilang enrollment fee.

Sinabi ng MWPB na pagkatapos makumpleto ang pagsasanay sa wika, direktang ire-refer ng GIS Manila ang aplikante sa mga German employer, na humihingi ng karagdagang bayad na P99,000 para sa pagproseso ng dapat na trabaho sa ibang bansa.

Sinabi ni Cacdac na hinding-hindi kukunsintihin ng DMW ang sinumang tao o kumpanyang bumibiktima sa pag-asa ng mga Pilipinong gustong makakuha ng disenteng trabaho sa ibang bansa.

Pinayuhan ni Cacdac ang mga Filipino overseas job seekers na bumisita sa DMW website (www.dmw.gov.ph) para sa listahan ng lisensyadong ahensya na may aprubadong job orders upang maiwasan na mabiktima ng illegal recruiters.

Sa pagsasara nito, ang GIS Manila at ang mga opisyal nito ay isasama sa DMW na “List of Persons and Establishments with Derogatory Records” upang pigilan silang makilahok sa overseas recruitment program ng gobyerno.

Mahaharap din sila sa kasong illegal recruitment na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang mula P2 milyon hanggang P5 milyon.

Hinimok din ng DMW ang mga biktima ng GIS Manila na makipag-ugnayan sa MWPB sa pamamagitan ng kanilang Facebook page na DMW Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program sa https://www.facebook.com/dmwairtip, o mag-email sa kanila sa [email protected]. ph, para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa consultancy firm.

Sinabi ni Cacdac na nais ng DMW na laging masiguro na itinataguyod ng ahensya ang lehitimong recruitment track, upang magarantiyahan ang proteksyon ng OFW. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleBOC nagpaliwanag sa ibenebentang balikbayan boxes online
Next articlePagpataw ng SRP sa bigas plano ng DA