Home HOME BANNER STORY BOC nagpaliwanag sa ibenebentang balikbayan boxes online

BOC nagpaliwanag sa ibenebentang balikbayan boxes online

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Customs (BOC) na ang naiulat na pagbebenta ng balikbayan boxes online ay sakop ng isang service agreement kung saan kabilang dito ang mismong nagpadala.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni BOC acting deputy commissioner Michael Fermin makaraang banggitin nito ang inisyal na resulta sa kanilang isinagawang imbestigasyon.

“‘Yun pong mismong pinapakita ay kahon mula sa kumpanya ng Golden Express International Cargo, ito po ay binenta sa ilalim po ng service agreement ng mga senders. Ito po kasi ay parang promo. Sa initial report po, lumilitaw po na ito ay promo na ship now, pay later,” ani Fermin.

“So ibig sabihin, nagbabayad lang po sila ng downpayment abroad at pagdating po dito, kailangan nilang bayaran ‘yung balanse upon delivery po,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon sa kasunduan, sinabi ni Fermin kung hindi mabayaran ng mga nagpadala ang halaga ng shipment at mobilization sa loob ng dalawang buwan, papayagan nila ang kumpanya na i-liquidate ang mga balikbayan box.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang BOC matapos mag-viral ang isang video sa social media ng isang content creator na nagsasabing bumili siya ng care package sa halagang P5,000.

Iginiit ni Fermin na wala na sa hurisdiksyon ng ahensya ang mga balikbayan box dahil nailabas na ito sa mga bodega ng BOC. Aniya, maaari nilang i-subpoena ang kumpanya at iba pang indibidwal.

Ayon sa deputy commissioner, maaaring kasuhan ng estafa ang mga indibidwal na mapapatunayang nagbebenta ng mga balikbayan box na hindi nila pag-aari.

Kaugnay nito, tahasang itinanggi ni Fermin ang mga pahayag na ang mga overseas Filipino worker (OFW) na may nawawalang balikbayan box ay kailangang magbayad ng P18,000 hanggang P20,000 para mahanap ang kanilang mga parcels.

“Nananawagan po kami na wag po silang bastang maniwala. Nagkalat po ang mga scam, nagpapakilala na empleyado ng BOC at kailangan magbayad. Kailanman po, hindi po mag sisingil ang BOC, lalo na po over the phone,” ani Fermin.

Aniya, ang mga transaksyon na kinasasangkutan ng kawanihan ay ginagawa sa pamamagitan ng mga bangko at hindi sa pamamagitan ng mga empleyado.

Nanawagan din si Fermin sa mga biktima ng naturang insidente na makipag-ugnayan sa BOC para sa imbestigasyon sa pamamagitan ng hotline number ng bureau na 8705-6000 o mag-email sa kanila sa [email protected]. JAY Reyes

Previous article60 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Navotas
Next articleConsultancy firm na nag-aalok ng trabaho sa Germany pinasara ng DMW