Home METRO 60 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Navotas

60 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Navotas

(c) Nazareth Tanker/Fire and Rescue Alert Responders

MANILA, Philippines – Nasunog ang nasa 30 bahay sa Navotas City pasado alas 4 ng hapon Biyernes, Enero 5.

Ayon sa Bureau of Fire Protection ng lungsod, tinatayang nasa 50 hanggang 60 pamilya ang nasunugan sa Silahis Street sa Barangay Tanza.

Mabilis na kumalat ang apoy sa residential area na karamihan ay gawa sa light materials kaya’t agad itong iniakyat sa second alarm.

Idineklarang fire out ang sunog pasado alas-5 ng hapon.

Ayon sa isang nasunugan wala silang naisalba at di inaasahan na ganito ang mangyayari sa konting oras lang, nawala lahat.

Pasalamat na lang siya na walang nasaktan sa kanila pero napakahirap umano ng nangyaring ito sa kanila kaya sana naman matulungan sila ng gobyerno na makalampas sa nasabing problema.

Manunuluyan pansamantala sa basketball court ng Tanza National High School ang mga nasunugan, ang iba naman ay sa kamag-anak muna mananatili.

Blangko pa ang BFP kung ano ugat ng sunog at magkaano ang naabong ari-arian. Merly Iral

Previous articleBawal pa rin pahalik sa imahe ng Itim na Nazareno
Next articleBOC nagpaliwanag sa ibenebentang balikbayan boxes online