Home NATIONWIDE Contempt order ng House quad-comm papalagan ni Roque sa korte

Contempt order ng House quad-comm papalagan ni Roque sa korte

MANILA, Philippines- Maghahain ng remedyo si dating presidential spokesperson Harry Roque sa Supreme Court ukol sa pinakabagong contempt order ng quad-committee ng Kamara laban sa kanya.

Sa isang online interview nitong Huwebes, sinabi ni Roque na maghahain siya ng petition for a writ of habeas corpus sakaling arestuhin siya ng legislative authorities at petition for certiorari sa paggiit niyang inabuso ng quad-committee ang diskresyon nito sa paghirit ng mga pribadong dokumento.

Muling na-cite for contempt si Roque ng quad-committee matapos hindi makadalo sa pagdinig at makapagsumite ng mga dokumentong hinihingi ng panel, tulad ng tax returns at kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

“I will file the corresponding remedy before the Supreme Court, and ‘yan ay malapit na […] Well, habeas corpus, at saka certiorari, grave abuse of discretion, kasi nga ang ginagawa nila ‘yong pangangalap ng mga dokumento na wala namang kinalaman sa imbestigasyon, grave abuse of discretion,” giit ni Roque.

Nang tanungin kung hindi na siya dadalo sa mga pagdinig, inihayag ni Roque na ipauubaya na niya sa hudikatura ang desisyon kung legal ang contempt order.

“Eh pina-aresto na po nila ako, ipapa-ubaya ko na ang aking kalayaan sa ating hudikatura, hayaan kong magdesisyon ang hudikatura sa kung tama ba ‘yang order na ‘yan or hindi,” aniya.

Inaprubahan ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang mosyon ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores sa House quad committee hearing nitong Huwebes matapos ang patuloy na hindi pagtalima ni Roque sa subpoena na Kamara.

“I move that we hold Harry Roque in contempt for refusing to submit the documents subject of this subpoena, of which he has manifested that he was going to submit to this committee,” mungkahi ni Flores.

Mahalaga ang mga dokumento tulad ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Roque upang matukoy kung hindi nga ito kumita mula sa Pogo hubs, base kay Batangas Rep. Gerville Luistro.

Iniuugnay si Roque sa Lucky South 99, ang sinalakay na Pogo hub sa Porac, Pampanga, matapos makita sa mga dokumentong natuklasan ng mga operatiba ang kanyang lagda.

Subalit, itinanggi ni Roque na may kinalaman siya sa Pogo hub. RNT/SA