Home NATIONWIDE Pinoy child sex trafficker may mga kasabwat – PNP 

Pinoy child sex trafficker may mga kasabwat – PNP 

MANILA, Philippines- Nakikipagtulungan ang naarestong pedophile na si Teddy Mejia sa ibang indibidwal sa kanyang sexual exploitation scheme na kinasasangkutan ng mga menor-de-edad, base sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.

Iprinisenta sa publiko si Mejia nitong Huwebes pagkarating niya sa Pilipinas matapos madakip ng local police sa Abu Dhabi, United Arab Emirates sa ilalim ng Red Notice ng inisyu ng Interpol.

Sinabi ni PNP Women and Children Protection Center director Brigadier General Portia Manalad na nakatanggap sila noong nakaraang taon ng tip sa pamamagitan ng kanilang hotline ukol sa isang Telegram account na naglalaman ng mga hubad na larawan at video ng mga biktima at ang GCash account ng suspek.

Sa pamamagitan ng undercover operation, napag-alaman ng mga pulis na mayroong 111 bikitima. Ayon sa mga awtoridad, halos 30 biktima na ang nasagip mula noong nakaraang taon. 

“From June 2023 to February 2024, nagkamayroon tayo ng rescue, naka-rescue tayo ng almost 30 na bata. Doon sa disclosure of abuse, ayun ang ginamit namin  para mag-apply ng warrant of arrest,” pahayag ni Manalad sa isang press briefing. “Doon din naman malaman na ito po ay isang large-scale violation o syndicated dahil pito po silang magkakasama dito.” 

Samantala, inihayag ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na pinipili ni Mejia ang mga biktima bago akitin ng pera ang mga ito at i-blackmail pagkatapos.

“Pino-profile niya yung mga bata, yung mga batang loner, mga batang matatalino. Isipin mo mo nine years old, 10, 11, musmos na musmos ‘yan. Pagka-profile niya, iki-clickbait niya, magbibigay siya ng P500, ‘magpadala ka ng litrato,’” wika ng opisyal.

“Kapag ayaw na ng bata, tatakutin niya ito. Yung mukha nung bata, lalagyan niya ng fake na nakahubad. So yung bata ngayon papalag,” dagdag niya.

Gayundin, pinipilit ang mga biktimang makipagtalik habang inire-record sa camera at ang mga video na ito ang ibinebenta sa Telegram ng mga suspek.

Nahaharap si Mejia sa mga kasong statutory rape, qualified trafficking in persons, at paglabag sa RA 11930 o ang Anti-Online Sexual Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials Act.  

Sinabi ni PNP chief General Rommel Marbil na ipapanukala niya sa Kamara ang batas na magpapataw ng parusa sa consumers ng sexual exploitation content. RNT/SA