ILOCOS SUR- Swak sa kulungan ang isang 30-anyos na lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Tablac, Candon City ng lalawigang ito kahapon, Pebrero 9.
Ayon kay Police Lt.Col. Rodel C. Del Castillo, OIC ng Candon CPS, ang suspek na isang cook at newly identified HVI ay tubong Dingras, Ilocos Norte.
Bandang alas-12:05 ng madaling-araw nang simulang ikasa ng mga awtoridad ang buy-bust operation na tumagal ng mahigit na dalawang oras.
Ang buy-bust operation ay ikinasa ng mga pinagsanib na pwersa mula sa Candon CPS (lead unit), ISPIU, ISPDEU, RID PRO1, at 103rd MC RMFB1 sa pakikipag-ugnayan nila sa PDEA RO1.
Sampung heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa naturang buy-bust operation.
Tinatayang tumitimbang ng 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000 ang nakumpiska ng mga awtoridad na hinihinalang shabu.
Bukod sa hinihinalang shabu, may mga nakumpiska rin ang mga awtoridad na non-drug evidence.
Ginawa ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya doon mismo sa naturang site na sinaksihan ng mga mandatory witness at ng suspek. Rolando S. Gamoso