Home NATIONWIDE Coops at power distributors, tatalupan ni Bam vs mataas na singil sa...

Coops at power distributors, tatalupan ni Bam vs mataas na singil sa kuryente

1
0

MANILA, Philippines – Nais ni Senador Bam Aquino na imbestigahan ang mataas at tumataas na presyo ng kuryente sa bansa na nagpapabigat sa pasanin ng mga pamilyang Pilipino at micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Noong Hulyo 9, naghain si Aquino ng Senate Resolution No. 508 na humihiling sa kaukulang komite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon sa mataas na presyo ng kuryente sa bansa.

Aniya, pangunahin din sa layunin ng imbestigasyon na repasuhin ang umiiral na batas at polisiya sa sektor ng enerhiya upang matukoy ang mga repormang magbibigay ng mas abot-kaya at maaasahang supply ng kuryente para sa Pilipino.

Nakatakdang ipatawag ng Senado ang lahat ng kompanya na may kinalaman sa paghahatid ng kuryente kabilang ang Meralco, electric cooperatives at iba pang power distribution companies bilang resource person sa gagawing imbestigasyon.

Sa resolusyon, binigyang-diin ni Aquino na ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na presyo ng kuryente sa Southeast Asia, na humahadlang sa paglago ng ekonomiya, nagpapabigat sa gastusin ng mga pamilyang Pilipino at MSMEs, at nagdudulot ng seryosong pangamba sa kakayahan, pagiging kompetitibo, transparency, at overall performance ng electric power sector ng bansa.

“Bakit ang Pilipinas ang isa sa may pinakamahal na kuryente sa Southeast Asia? Kailangan nang malaman ang puno’t dulo ng isyung ito na nagbibigay ng mabigat na pasanin sa ating mga kababayan. Sa halip na magamit ang kanilang pinaghirapang pera sa pagkain, gamot at iba pang pangangailangan, napupunta lang ito sa pambayad ng napakamahal na kuryente,” wika ni Aquino.

“Nahihirapan ding kumita, lumago at magbigay ng dagdag na trabaho ang maliliit na negosyo dahil sa napakamahal na kuryenteng pinapataw sa kanila,” dagdag pa niya.

Dahil patuloy na pinapasan ng mga consumer ang iba’t ibang bayaring nakapaloob sa kanilang buwanang singil sa kuryente, iginiit ni Aquino ang pangangailangang tiyakin na ang presyo ng kuryente ay transparent, makatwiran, batay sa aktuwal na gastos, at naaayon sa makatarungan at maingat na mga pamantayan ng industriya at ng mga regulator.

Layunin ng resolusyon na magsagawa ng komprehensibong pagrepaso sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at iba pang kaugnay na mga batas at polisiya sa enerhiya upang matukoy kung kinakailangan ng mga reporma para higit na maprotektahan ang mga consumer at mapalakas ang sektor ng kuryente.

“Ensuring affordable electricity must likewise be balanced with maintaining adequate generation capacity, strengthening grid resilience, modernizing transmission infrastructure, accelerating the adoption of renewable energy resources, and enhancing the country’s long-term energy security and climate resilience,” giit ni Aquino.

Nauna ring naghain si Aquino ng Senate Bill No. 266 noong Hulyo 8, 2025, na naglalayong alisin ang Value-Added Tax (VAT) sa pagbebenta ng kuryente bilang agarang hakbang upang mapababa ang singil sa kuryente ng mga pamilyang Pilipino at mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga negosyo, lalo na ng MSMEs.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Sections 108(A) at 109(1) ng National Internal Revenue Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 9337, upang gawing exempted sa VAT ang pagbebenta ng kuryente. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here