Home NATIONWIDE Sa Nutrition Month: Gatchalian, Cayetano nagkaisa vs child stunting

Sa Nutrition Month: Gatchalian, Cayetano nagkaisa vs child stunting

1
0

MANILA, Philippines – Nagkaisa ang dalawang lider ng Senado upang kalampagin ang pamahalaan kabilang ang local government units (LGUs) na kaagad kumilos laban sa tumataas na bilang ng bansot na bata sanhi ng kawalan ng nutrisyon.

Sa pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong Hulyo, kapwa kinalampag nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang buong burukrasya na paigtingin pa ang programa sa child stunting dahil tumataas ang bilang nito simula noong 2015 at tumindi sa 2025.

Inilabas ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) nitong June 17, 2026 na tumaas sa 25.3 porsiyento noong 2025 ang stunting rate ng mga batang limang taong gulang pababa mula sa 23.6 porsiyento noong 2023.

Unang pagkakataon ito sa pagtaas ng stunting rate sa nakalipas na sampung taon, na nangangahulugang isa sa bawat apat na batang Pilipino na limang taong gulang pababa ay nakararanas na ngayon ng stunting.

“Sa paglaban sa malnutrisyon, mahalaga ang papel ng ating mga komunidad, ang mga LGU, dahil sila ang pinakamalapit sa mga batang kailangang maabot at matulungan,” ani Gatchalian.

Naaayon ang panawagan ni Gatchalian sa Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199), na nagbibigay ng mandato sa mga LGUs na magpatupad ng ECCD programs and services, kabilang iyong mga may kinalaman sa nutrisyon ng mga bata.

Gamit ang datos ng Department of Science and Technology’s Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang unang pagtaas ng stunting rate mula noong 2015.

Bumaba nang tuloy-tuloy ang stunting rate mula 33.4% noong 2015 hanggang sa umabot it sa 23.6% noong 2023. Gayunman, tumaas ito sa 25.3% noong 2025, mas mataas ng 1.7% mula sa naitala noong 2023. Ibig sabihin, halos isa sa apat na batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ang tinaguriang stunted.

Ayon naman kay Cayetano, lalo lamang pinatutunayan ng naturang datos ang pangangailangang palakasin ang mga programa laban sa stunting dahil isa ito sa pinakamahalagang pamumuhunan ng gobyerno para sa kinabukasan ng bansa.

“The best return of investment, peso to peso, is in anti-stunting… You can have free and quality education, scholarships, and the best computers, pero ‘pag stunted ang bata, mahirap nang mai-correct iyon,” aniya.

Ang stunting ay tumutukoy sa hindi normal na paglaki ng bata dulot ng matagal na kakulangan sa tamang nutrisyon sa mga unang taon ng buhay na maaaring magkaroon ng panghabambuhay na epekto sa pisikal na paglaki, pag-unlad ng pag-iisip, at magiging kakayahan ng bata sa hinaharap.

Nitong July 2025, inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 416 o ang panukalang Anti-Stunting Action Plan (ASAP) Council Act bilang isa sa kanyang mga prayoridad na panukala sa ika-20 Kongreso.

Layunin ng panukala na bumuo ng isang permanenteng high-level body na mag-uugnay sa mga nutrition program ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, magbabantay sa pagpapatupad ng mga ito, at titiyak sa tuloy-tuloy na suporta para sa mga buntis, ina, at maliliit na bata.

Binigyang diin ni Cayetano na ang epekto ng child stunting ay hindi lamang nararamdaman habang bata ang isang tao kundi maaari ring makaapekto sa pangmatagalang pag-unlad ng bansa.

“A high prevalence of stunted children erodes the human potential, productivity and economic growth of countries. This national emergency must be addressed ASAP,” wika niya.

Katulad ng rekomendasyon ng health experts, sinabi rin ni Cayetano na napakahalaga ng mga interbensyon sa loob ng unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata upang maiwasan ang pangmatagalang epekto ng stunting.

“Marami sa stunted na bata ang magiging future Persons with Disabilities (PWDs). The more that we take care of the stunting now, the less we have to spend on the interventions later on,” wika niya.

Paulit-ulit nang isinusulong ni Cayetano sa Senado ang usapin ng child stunting, at iginiit na dapat manatili itong isa sa pinakamataas na prayoridad ng pamahalaan dahil madalas ay hindi na naibabalik sa normal ang pinsalang dulot nito.

Nanawagan din siya sa lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno na magpatupad ng iisang pambansang plano at magsagawa ng pilot interventions sa mga lalawigang may pinakamataas na kaso ng stunting, kabilang ang BARMM (36%), Zamboanga Peninsula (34.6%), Negros Island Region (30.9%), at MIMAROPA (30.3%).

“We need a specific intervention. Choose provinces na higher than 25 percent, y’ung endangered of stunting, and see if mapababa natin ang prevalence,” wika ng Minority Leader.

Naglaan ang 2026 national budget ng P25.6 billion para sa DepEd School-Based Feeding Program at P9.26 billion para sa DSWD Supplementary Feeding Program. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here