Home ENTERTAINMENT Coritha, na-stroke, minalas sa buhay!

Coritha, na-stroke, minalas sa buhay!

Manila, Philippines- Manhid na lang ang hindi maaantig ang damdamin sa latest vlog ni Julius Babao.

Dinayo pa kasi ni Julius ang Tagaytay kung saan naroon ang 80s music icon na si Coritha kasama ang partner nitong si Chito Santos.

Pero ang Coritha na inaaasahan n’yong umaawit pa gamit ang kanyang gitara’y bedridden na.

Ito’y sanhi ng stroke na nagresulta rin sa ‘di na pagsasalita ni Coritha.

Tila nagkapatung-patong ang mga pagsubok na sinuong ng folk singer.

Around the pandemic times, nasunog ang kanyang tinitirhan sa Quezon City.

Wala ni isang gamit daw siyang naisalba.

Kahit tuluyang natupok ang bahay, nanatiling nakatira sa tent si Coritha malapit sa bahay.

Walang kuryente at nagkakasya lang sa folding bed bilang higaan niya.

It took a while bago nakumbinsi ni Chito si Coritha na doon na lang sa bahay niya sa Tagaytay tumira.

Maayos pa raw noon ang kalagayan ng singer.

Isang araw ay dumaing na lang daw ito matapos lantakan ang dalawang guyabano sa mesa sa bahay ni Chito.

Maya-maya raw ay nakaramdam na ito ng panghihina, “Diabetic kasi siya.”

Doon na nagdesisyon si Chito na isugod sa ospital si Coritha.

Lumabas sa findings sa isinagawang CT scan na ilang beses na raw palang inatake ng stroke si Coritha nang hindi niya namamalayan.

Si Chito ay may kapatid na doktora na nagsabi sa kanya na: “Kung kaya mo, kuya, hintayin mo na lang na matulog siya…hindi na siya magigising.”

Ayaw naman ni Chito na mangyari ‘yon kaya hanggang kaya pa niya, ipinangako niya kay Coritha na aalagaan niya ito.

Nagpapasalamat si Chito sa mga tulong na dumarating para kay Coritha, bilang pagkilala sa mga naiambag nito sa musikang Pinoy.

Bago nagtapos ang vlog, nag-abot ng tulong pinansyal si Julius ng halagang P50,000.

Sana’y marami pa rin ang may busilak na puso na magpadala ng tulong kay Coritha, na minsang nagbigay sa atin ng ngiti dahil sa kanyang mga awitin. Ronnie Carrasco III