Home NATIONWIDE COVID-19 positivity rate nananatili sa 3.5% – Octa

COVID-19 positivity rate nananatili sa 3.5% – Octa

MANILA, Philippines- Nanatili sa 3.5 porsyento noong Agosto 11 ang positivity rate o bilang ng mga indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.

Sa kanyang Twitter, sinabi ni OCTA Research Group fellow Dr. Guido David na ang bilang ay pareho sa positivity rate sa buong linggo na natapos noong Agosto 4.

“The Department of Health (DOH) reported 141 new cases, three deaths, 217 recoveries. About 29 of the new cases are from the National Capital Region, projecting 100 to 150 new cases on Aug. 12,” sabi ni David.

Ang kabuuang tally ng COVID-19 infections sa bansa ay umabot sa 4,120,971 na may 3,314 active cases.

Samantala, kabuuang 66,646 indibidwal ang namatay sa naturang sakit.

Hindi naman bababa sa 78,443,972 o 100.4 porsyento ng target na populasyon ng bansa (78,100,578) ang nabakunahan laban sa COVID-19 noong Marso 19.

May kabuuang 23,811,248 ang nakatanggap ng mga booster shot mula sa fully vaccinated population.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang maaring tumanggap ng bivalent vaccines bilang third booster dose ay mga immuno-compromised at ang general public.

Samantala, sinabi naman ni DOH Undersecretary Enrique Tayag na ang bivalent vaccines ay maaari na ngayong ibigay bilang una o pangalawang booster shot para sa mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, mga senior citizen, at mga immuno-compromised.

Dati, ang mga ito ay ibinibigay lamang bilang ikatlong booster dose para sa healthcare workers at senior citizens.

Ginawa ng DOH ang pagsasaayos matapos na magamit lamang ang 38 porsyento ng 391,000 donasyong dosis na inilaan para sa parehong subgroup ng populasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden