MANILA, Philippines- Pinarangalan ng Coast Guard Merit Medal at Ribbon ang mga crew ng Philippine Coast Guard BRP Bagacay (MRRV-4410) bilang pagkilala sa kanilang katapangan nang bombahin sila ng water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) malapit sa Bajo de Masinloc noong Martes.
Ayon sa PCG, ang 38 crew members at kanilang leader na si Captain Jane Gesulgon ay nakatanggap ng recognition mula kay PCG officer in charge, Vice Admiral Rolando Lizon Punzalan Jr. sa ginanap na seremonya sa Port Area, Manila.
Kinilala si Gesulgon at kanyang mga crew para sa kanilang misyon na pagtitiyak ng kaligtasan mula sa dalawang Chinese Coast Guard (CCG) vessels na naminsala kanilang barko sa nasabing insidente.
Dumalo sa seremonya sina PCG Civil Relations Service Commander, Rear Admiral Armando Balilo, at District National Capital Region- Central Luzon Commander, Commodore Arnaldo Lim.
Noong Miyerkules, sinabi ni National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) spokesperson Commodore Jay Tarriela na ang pag-atake noong April 30 sa BRP Bagacay at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessel BRP Bankaw ay nagpapakita ng kawalan ng concern ng China para sa kapayapaan at katatagan. Jocelyn Tabangcura-Domenden