MANILA, Philippines – Umabot na sa halos P1 milyon ang naipamigay na tulong ng gobyerno sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Crising at habagat sa rehiyon ng Bicol, ayon sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-5) nitong Lunes, Hulyo 21.
Sa kabuuan, P958,804 halaga ng food at non-food items ang naipamahagi ng ahensiya, batay sa ulat ni DSWD-5 Director Norman Laurio.
May nakaabang ding stockpile at standby funds na nagkakahalaga ng P271 milyon na maaaring agad ipamahagi sa mga apektadong lugar sa rehiyon, dagdag ni Laurio.
Namahagi rin ang mga lokal na pamahalaan at Philippine Coast Guard ng mga mainit na pagkain sa mga stranded na pasahero sa pantalan at mga terminal.
Nakapagbigay ang DSWD ng P920,314.05 halaga ng relief goods at 483 family food packs sa mga residente ng 17 barangay, kabilang ang Bagasbas, Awitan, San Isidro, at Mambalite—na ilan sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo.
Batay sa pinakahuling datos, apektado ang kabuuang 3,966 pamilya o 18,160 indibidwal sa 56 barangay sa Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at Masbate.
Nasa 21 pamilya o 34 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers sa Camarines Sur, habang apat na bahay ang naiulat na nasira dahil sa bagyo. RNT/JGC