Manila, Philippines – Dahil may inilabas nang arrest warrant, minabuti ni Cristy Fermin na mag-voluntary surrender kaugnay ng limang counts ng libel na isinampa laban sa kanya ng mag-asawang Sharon Cuneta at Kiko Pangilinan.
Upang ayusin nga ito, kinailangang lumiban ni Cristy nitong October 28, Lunes mula sa kanyang radio program.
Alas otso pa lang daw ng umaga’y nasa Makati RTC Branch 148 na siya, sa sala ni Judge Andres Bartolome Soriano, para magbayad ng kaukulang piyansa.
Halagang umabot sa P240k ang kailangang ilagak ni Cristy bilang piyansa katumbas ng limang counts ng libel.
Aniya, tumagal daw ang proseso.
Sa katunayan, bawat count daw ay ga-dangkal ang kallangang pirmahan ng kanyang abogadong si Atty. Shirley Tabangcura.
Alas dos y medya na raw ng hapon nang matapos sila.
Dahil nga malaking halaga ang piyansa’y hindi dumaan sa cashier ang pagbabayad niya.
Kasabay nito’y kinalampag ni Cristy ang ilang taong nagpapanggap bilang operatiba ng NBI at ng pulisya.
Balak kasi ng mga ito na “gatasan” siya, pero ani Cristy: “Sorry na lang kayo…bayad na ako ng piyansa ko!”
Malakas ang loob ni Cristy na ibuyangyang ang order na pirmado ng presiding judge bilang nagdudumilat na katibayan.
Dahil walang mapapala ang mga scammer, tinitiyak ni Cristy na mapapahiya ang mga ito.
“May kopya ako ng order sa wallet ko, sa bag ko…hanggang banyo ng bahay ko, may kopya rin ako!” sabi pa ng beteranang mamamahayag. Ronnie Carrasco III