MANILA, Philippines – Sa halip na mapahina, lalo pang napatibay ng cross-examination ng defense panel ang kaso ng House prosecution laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa dalawang opisyal ng House impeachment panel.
Sinabi nina House impeachment adviser at spokesperson Robert Ace Barbers na hindi sinasadyang napatibay pa ng cross-examination ng defense ang posisyon ng prosecution na si Atty. Zuleika Lopez ay isang material witness na dapat mapakinggan ng Impeachment Court.
Giit ni Barbers, malaking bahagi ng pagtatanong ng depensa ay umikot sa mga pangyayaring nakapaligid sa mga pahayag ni VP Duterte, kabilang ang mga video clip na nagpapakita sa reaksyon ni Lopez at mga tanong tungkol sa kanyang relasyon at pakikipag-ugnayan sa Vice President.
“Napansin namin na malaking bahagi ng cross-examination ay umikot kay Atty. Zuleika Lopez, kung ang mismong depensa ay nakikitang mahalaga ang mga usaping iyon upang maipaliwanag ang konteksto ng mga naging pahayag, lalo lamang nitong ipinakikita na si Atty. Lopez ay isang material witness na may personal na kaalaman sa mahahalagang pangyayari,” ani Barbers.
Naniniwala ang prosecution na ipinakita ng cross-examination na may impormasyon si Lopez na makakatulong sa Impeachment Court na maunawaan ang konteksto ng mga pahayag ng Vice President.
“Kung ang depensa mismo ang nagbukas ng mga tanong na si Atty. Lopez lamang ang makapagpapaliwanag batay sa kanyang personal na kaalaman, mas lalong mahalagang marinig ang kanyang testimonya,” paggigiit ni Barbers.
Samantala, sinabi ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na ang desisyon ng prosecution na hindi na magsagawa ng re-direct examination sa kanilang unang saksi na si NBI senior agent John Mark Calilung ay nagpapatunay sa lakas ng testimonyang iniharap sa Impeachment Court, dahil hindi umano nagawang pahinain ng defense ang saksi sa kabila ng masusing cross-examination.
“The prosecution saw no need to conduct a re-direct examination because the cross-examination failed to create any material issue that required clarification,” ani Adiong.
Sinabi ni Adiong na nanatiling matatag ang NBI witness sa mga pangunahing punto ng kanyang testimonya sa buong pagtatanong ng defense.
“This is only the beginning. The Filipino people have seen the first witness withstand intense questioning. More witnesses and more evidence will follow,” dagdag pa nito.
Sa July 13 na muli magbabalik ang impeachment hearing, kabilang sa ipatatawag sa susunud na Linggo ay sina NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na haharap bilang witness sa July 13; Atty. Zuleika Lopez sa Martes, July 14; at Sgt. at Arms Capt. Belinda Bello naman sa Miyerkules, July 15. Gail Mendoza