MANILA, Philippines – Nasa 150 libong katao na ang nakiisa sa ikalawang araw ng Transparency for a Better Democracy peace rally ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand, ayon sa datos ng Manila Police District ngayong alas 9 ng umaga.
Karamihan sa mga nagtungo kahapon ay minabuting mag-overnight na lamang sa Luneta Park gamit ang kani-kanilang panapin at camping tent.
Naging matagumpay ang unang araw ng peace rally, at walang naiulat na anumang kaguluhan.
Panawagan ng mga nakiisa sa peace rally ang katotohanan, katarungan at pananagutan.
Dapat umanong may mapanagot sa matinding korapsyon sa bansa at walang pagtatakip sa mga nagkasala.
Nabatid na mamayang alas-3 ng hapon muling magsisimula ang program ng INC kaya naman asahan pa rin na hanggang mamayang gabi ay bubuhos pa rin ang mga makikiisa sa peace rally. Jocelyn Tabangcura-Domenden