Home OPINION CRUISE TRAVEL TOURISM & MARITIME CAREERS CONVENTION 2024

CRUISE TRAVEL TOURISM & MARITIME CAREERS CONVENTION 2024

Puspusan na paghahanda ng WMOC Group sa idaraos na Cruise Travel Tourism and Maritime Careers Convention 2024 sa SMX Mall of Asia-Manila ngayong Hunyo 11 hanggang Hunyo 12, 2024.
Layunin ng expo na mapalakas ang cruise at maritime tou­rism sa bansa at maiposisyon ito sa hanay ng  top cruise destinations sa buong Southeast Asia.

Malaki ang magiging benepisyo ng turismo, Pinoy seafarers at mga probinsya na posibleng daungan ng barko sa naturang expo, ayon sa pamunuan ng event.

Bukod dito, higit pang makikita ng mga banyagang turista ang ganda ng Pilipinas, magkakaroon ng oportunidad na kumita ang mga lokal na pamahalaan at matutulungang itaguyod ang mga produkto at kalakalan ng bansa.

Binigyang-diin ni Rachelle Bataclan Lopez, President at CEO ng WMOC Group, na sa tulong ng convention ay mahikayat ang mga lokal at banyagang cruise operators, maitaguyod ang iba’t ibang propesyon na may kaugnayan sa larangan ng pagmamarino at maisulong ang paglago ng ekonomiya.

Ang convention ay suportado rin ng mga opisyal mula sa mga pangunahing pasyalan sa bansa. Sinabi ni Lopez ang kahalagahan ng maayos na pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa iba’t ibang organisasyon na may kinalaman sa turismo upang matupad ang nasabing layunin.

Samantala, pag-uusapan din dito ang pagsasaayos ng mga imprastraktura at tulugan o tuluyan ng mga turista upang mas maging kaaya-aya ang paglalakbay sa Pilipinas.

Para sa mga hindi pa nakararanas ng paglalakbay sa Cruise Lines, ngayon na ang iyong pagkakataon na pumili kung aling  cruise lines at destinasyon at higit sa lahat, mas mababang murang pakete.

Sa mga naghahanap ng trabaho at nais mag-join sa mga international at local cruise, pumunta na kayo sa SMX convention Hall.

Makakasama sa convention ang Cruise Lines, Maritime Training Institutions, Government Agencies, Industry Associations & Organizations, Technology & Service Providers, Industry Experts and Speakers, Job Seekers and Students, Travel Agencies, Local Government Units (LGU), Hotel and Restaurants at marami pang iba.