MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa apat na Chinese national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Beijing dahil sa kinahaharap nilang iba’t ibang krimen.
Kinilala ni BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado ang mga naaresto na sina Wei Hanbing, 33; Wang Bo, 32; Wang Zhaoshan, 37; at Guo Dong, 26.
Nabatid kay Viado na inaresto ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI ang mga dayuhan sa Camp Bagong Diwa, Taguig City noong Agosto 31 kasunod ng pag-aresto sa kanila ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
“Wei Hanbing is wanted for concealment of crime related to income while Wang Bo and Wang Zhaoshan are wanted for fraud. Guo Dong is being sought for engaging in illegal business,” ani Viado na batay sa impormasyon mula sa gobyerno ng China.
Nabatid na ang mga pugante ay kabilang sa mga dayuhang naaresto ng pulisya sa isang raid sa isang hinihinalang crypto currency investment at love scam hub sa Parañaque City noong Agosto 22.
Samantala, iniulat din ng BI ang pagkakaaresto sa dalawa pang pugante sa magkahiwalay na operasyon ng FSU.
Ibinahagi ni BI FSU Chief Rendel Ryan Sy ang pagkakadakip kay Wu Hsih Hsu, isang 53-anyos na Taiwanese na naaresto nitong Setyembre 5 sa head office ng BI sa Intramuros.
Natukoy si Wu bilang isang undesirable alien matapos makatanggap ang BI ng impormasyon mula sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas na nahaharap siya sa isang Warrant of Arrest for Rape na inihain sa korte ng Taiwan noong 2005. Napag-alaman din siyang overstaying sa mahigit 20 taon.
Noong Setyembre 8, inaresto rin ng mga ahente ng FSU ang Chinese national na si Zhang Xi, 38, sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard, Parañaque City dahil sa kinakaharap nito na dalawang warrant of arrest ang inilabas laban sa kanya ng Cyber Police Branch ng Daqing Municipal Public Security Bureau noong 2023 para sa Illegal Control of Computer Information Systems sa Paglabag sa Article 285 ng Criminal Law ng China.
Sinabi ni Viado na lahat ng anim na dayuhan ay nananatili sa holding facility ng BI sa Taguig habang nakabinbin ang kanilang deportasyon. JAY Reyes