MANILA, Philippines – Patay ang isang 21-anyos na cum laude graduate matapos mabagsakan ng malaking sanga ng puno ang sinasakyan nilang motorsiklo ng kanyang ama sa Barangay Siblong, Bucay, Abra noong Martes, Hulyo 7.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Winche Baño, nagtapos ng Bachelor of Secondary Education major in Science sa University of Abra-Lagangilang Campus. Papunta sana siya sa isang review class nang mangyari ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, biglang naputol ang malaking sanga ng isang fire tree at bumagsak sa motorsiklo. Kapwa nakasuot ng helmet ang mag-ama, ngunit nabasag sa lakas ng impact ang helmet ni Baño at nagtamo siya ng malubhang pinsala sa ulo. Minor injuries lamang ang tinamo ng kanyang ama.
Sinabi ni Police Capt. Miguel Cawi Jr., hepe ng Bucay Municipal Police Station, na matagal nang patay at wala nang dahon ang puno kaya madali na itong bumagsak.
“The tree was already weakened, and it was only a matter of time before the branch gave way,” pahayag ni Cawi.
Dinala sa ospital si Baño ngunit idineklara siyang patay.
Nagluksa ang kanyang mga kaibigan at kaklase sa pagkamatay ng aspiring teacher na inilarawan nilang consistent honor student. Hinimok naman ang mga awtoridad na inspeksiyunin at alisin ang mga mapanganib na puno sa gilid ng kalsada upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.