CAVITE- Nagpatupad ang provincial government ng curfew hours at liquor ban mula nitong Sabado, May 10, hanggang sa araw ng eleksyon sa Lunes, May 12.
Pinaiiral ng Provincial Ordinance No. 481-2025 ang curfew hours sa lalawigan mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw kinabukasan bilang bahagi ng security measures para sa midterm elections.
Samantala, ipinagbabawal naman ng Provincial Ordinance No. 482-2025, ang “sale, distribution, and consumption of beer, liquor, and other alcoholic beverages.”
Bilang bahagi ng paghahanda para sa halalan, nagsagawa si Cavite Provincial Police Office (PPO) Acting Director Col. Dwight E. Alegre ng personnel accounting at briefing para sa mga miyembro ng Mobile Patrol Unit.
Pinaalalahanan ni Alegre ang mga pulis na pairalin ang proactive approach na nilalayong iwasan ang mga krimen, paigtingin ang police visibility, at makuha ang public trust sa buong lalawigan. RNT/SA