MANILA, Philippines – Pakiramdam ng contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II na ninanakawan siya, sa hiling na ibalik ang pera sa pamahalaan para maging kwalipikado sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice.
Ito ang sinabi ni Discaya kasabay ng palitan ng maiinit na salita sa pagitan nina Senador Rodante Marcoleta at Prosecutor General Richard Fadullon sa usapin ng restitution o pagbabalik ng ill-gotten wealth ng isang taong nag-aapply para sa WPP.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Enero 19, tinanong ni Marcoleta si Discaya kung ano ang sinabi sa kanila ng DOJ bago siya at ang asawang si Sarah ay makapasok sa WPP.
“Your Honor, kung magkano po ang ire-restitute po muna namin… Ako po, hindi ko po masabi kung magkano po kasi para sa akin po, parang kami po ang nanakawan,” sagot ni Discaya.
“Parang ibig sabihin, parang modern day na pagnanakaw. Ibig sabihin, ‘yung nakaw ba, siya pa magbibigay ng pera doon sa ninakawan niya? Parang gano’n po,” dagdag pa niya.
Nauna nang ikinonsidera bilang “protected witness” ang mag-asawang Discaya sa ilalim ng WPP.
Sa kabila nito ay bigla na lamang tumigil ang dalawa na makipagtulungan sa DOJ.
Sa kaparehong pagdinig ay pinabulaanan ng Prosecutor General ang mga kasinungalingan umano ni Curlee Discaya na agad silang inutusan ng DOJ na ibalik ang ill-gotten wealth.
“Ang pinag uusapan po dito, bago man lang makapagsabi ng ganon, kailan munang makita kung ano ang gusto at kayang sabihin at patunayan ni Mr. Disacaya at ni Mrs. Discaya doon sa kanilang salaysay… Pero hindi po sila nakikipag-ugnayan sa department kaya hindi po sila mabigyan ng kaukulang proteksyon at hindi po ma-process ang kanilang application,” paliwanag ni Fadullon.
Dito na paulit-ulit kinwestyon ni Marcoleta ang DOJ sa paggiit sa mga Discaya na dapat ibalik ang illegal na nakuhang yaman kung mayroon man, bago makapasok sa WPP. RNT/JGC