CEBU CITY, Philippines – Patay ang isang custom broker matapos tambangan at pagbabarilin ng riding in tandem sakay ng kanyang motorsiklo, iniulat kahapon sa Lapu-Lapu City.
Kinilala ang biktimang si Jaylee, 41 anyos, residente sa Barangay Yati, Liloan, Cebu.
Batay sa report ng Lapu-Lapu City Police Station, bandang 8:00 PM noong Pebrero 4, 2026 naganap ang krimen sa Sitio Bukid-Bukid, Barangay Pajac, ng nasabing lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagmamaneho ang biktima ng kanyang motorsiklo ng bigla na lamang itong tambangan ng mga suspek na sakay din ng motorsiklo.
Dito, pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan ng naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip. /Mary Anne Sapico