MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ng Senado ang Bureau of Customs (BOC) kung bakit dalawang tobacco smuggler lang ang nahatulan sa ilegal na pag-aangkat sa isinagawang 1,296 operasyon simula noong 2018 hanggang 2025.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on ways and means, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na mula sa datos ng BOC at Bureau of Internal Revenues (BIR) na mula sa 1,296 operasyon, umabot lamang sa dalawang smuggler ang nahatulan o convicted ng smuggling.
Sa datos, sinabi pa ni Gatchalian na tanging 64 kaso ang naisama, 14 kaso ang nakabinbin sa Office of the Prosecutors, walo ang nakahain sa korte at dalawa lamang ang nadesiyunan ng hukuman.
“If you look at the universe of 1,200, only less than one percent of those seizures actually make it as a decision and also conviction. So it’s not the number of seizures, but a number of convictions, especially favorable convictions,” ayon kay Gatchalian, chairman ng komite.
“With all due respect to the BOC, kaya hindi natin maalis sa isip natin na minsan itong mga seizures eh pangpakitang tao na lang… In this case…the actual numbers 0.15% actually are convicted,” dagdag niya.
Ikinatuwiran naman ni BOC Assistance Commissioner Vincent Philip Maronilla na posibleng pinagsama-sama ang ilang naisagawang paglusob sa 64 kaso.
“In multiple raids, our investigation might have yielded that there are only a certain number of people that were responsible, but we will look into that particular data. We will submit the data to the committee,” ayon kay Maronilla sa pagdinig.
“Kasi masarap sabihin ‘yung 1,296 seizures eh. Lahat kami masaya. Pero yung actual case na na-file, ang layo— 64 lang versus 1,296. Kahit na i-consolidate natin, I don’t think it can be reduced to 64 cases,” giit naman ni Gatchalian.
Sinabi pa ni Maronilla na mayroon silang monitoring system na maaaring makapagliwanag sa numero na iprinisinta ni Gatchalian sa pagdinig.
“We’ll also look into the number of respondents to these 64 cases, that might explain some disparity,” ayon kay Maronilla.
Binanggit din ni Gatchalian na marahil, ang kawalan ng masusing koordinasyon sa pagitan ng BOC at Department of Justice ang pwedeng maging dahilan kung bakit ganito ang numero sa paglilitis ng ismagler ng tabako.
“Ang nakita namin ngayon ay walang coordination between the DOJ, BOC, and the BIR. Hindi sila nag-uusap-usap. Parang ngayon lang sila nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap sila. So lahat ng nireraid ng BOC at BIR, pag dumating na sa prosecution, talo lahat,” ayon kay Gatchalian pagkatapos ng pagdinig.
Aniya, mahigit 60% ng kasong isinampa sa tobacco smuggler ang na-dismiss.
“Ang objective natin may makulong. Para may makulong, dapat nananalo yung kaso. So, malaking problema ito dahil nagiging pakitang tao lang yung raid at yung kaso wala talagang nangyayaring kaso,” ani Gatchalian. Ernie Reyes