MANILA, Philippines- Muling hiniling ni dating Comelec commissioner Gus Lagman kay Election chairman George Garcia na isaalang-alang ang kanilang panukala na magkaroon ng manual counting ng mga boto upang matiyak ang transparency ngayong darating na midterm polls.
Si Lagman ay dumalo sa Management Association of the Philippines (MAP) general membership meeting noong Miyerkules, kung saan si Garcia ang panauhing tagapagsalita.
Ayon kay Lagman, ito na ang kanilang sigaw mula noong 2017 nang sumulat siya sa komisyon at iminungkahi na magkaroon ng manual counting ng mga boto sa ilalim at automated elections.
Ipinaliwanag ni Chairman Garcia na magkaiba sila ni Lagman bilang isang abogado at isang IT expert, ayon sa pagkakabanggit.
Ayon kay Garcia, kailangang magpasa ng batas na mag-aatas sa komisyon na magsagawa o bumalik sa manual counting ng mga boto.
Sinabi ni Garcia na dapat maunawan ang papel ng Comelec na constitutional body.
Ayon pa kay Garcia, hindi tungkulin ng komisyon na maglabas ng mga batas para amyendahan, baguhin, baligtarin ang isang batas.
“Yung sinasabi ni sir Gus, that should have been properly taken care of by an amendment of 9369 ( Republic Act). If the Comelec will attempt to even change the provision of the law then that is legislation – that is usurpation on judicial authority and power and therefore that is impeachable,” paliwanag ni Garcia.
Ipinaliwanag din ni Garcia na ang karagdagang oras ng trabaho ng mga guro na magsisilbi bilang electoral boards sa panahon ng halalan ay kailangan ng karagdagang honorarium. Samakatuwid, ang komisyon ay kailangan ng karagdagang pondo.
Nilinaw ng poll chief na hindi siya tutol sa ideya ng pagkakaroon ng mas transparent na pagsasagawa ng eleksyon ngunit ang batas ay dapat munang maipasa. Jocelyn Tabangcura-Domenden