MANILA, Philippines- Dahil sa mahinang ebidensya, pinawalang-sala ng isang korte sa Misamis Occidental ang tatlong akusado sa pagpatay sa radio broadcaster na si Juan “Johnny Walker” Jumalon.
Sa 33 pahinang desisyon ni Calamba, Misamis Occidental Regional Trial Court Branch 36 Judge Michael Ajoc, idineklarang not guilty ang mga suspek na sina Jolito Saja Mangumpit, Reynante Saja Bongcawel at Bobby Bongcawel.
Sinabi ng korte na hindi sapat ang mga iprinisntang ebidensya ng prosekusyon para mapatunayang si Jolito Mangompit ang nagsilbing gunman, si Boboy Bongcawil na umano’y nanutok ng baril sa nagbabantay sa gate at si Reynante Bongcawil ang nagsilbing as look-out at driver ng getaway vehicle.
“The prosecution failed to prove the guilt beyond reasonable doubt of all the accused,” nakasaad sa desisyon.
Ipinunto rin ng korte ang negatibong epekto na idinulot sa pamilya kapag kinasuhan sa korte ang maling tao.
Iniatas ng korte na agarang ilipat si Mangompit sa Zamboanga del Norte Correctional and Rehabilitation Center para harapin ang iba nitong kaso.
Iniutos rin ng korte ang pagpapalaya sa dalawang
Bongcawel.
Si Jumalon ay binaril habang naka-live broadcast sa Calamba, Misamis Occidental noong November 5, 2023. Teresa Tavares