Home NATIONWIDE Cyber defense capabilities pinaigting ng AFP vs hacking

Cyber defense capabilities pinaigting ng AFP vs hacking

MANILA, Philippines- Sa patuloy na pag-atake ng hackers sa government websites, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes na pinaiigting nito ang cyberdefense capabilities sa pamamagitan ng pamumuhunan sa teknolohiya at mga tauhan na makatutulong sa paglaban sa mga banta.

“The AFP is enhancing its cyber capabilities through a combination of modernization efforts and strategic investments in technology, training, and partnerships,” pahayag ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nitong Huwebes.

Kabilang dito ang pag-upgrade sa AFP cyberinfrastructure, pamumuhunan sa cutting-edge cybersecurity tools at software, at pagbibigay ng specialized training sa mga tauhan, batay kay Padilla.

Bukod dito, inihayag niyang nakikipag-ugnayan ang AFP sa iba pang government agencies, international partners, at private sector experts laban sa cyberthreats.

“We are also enjoining cyber professionals to join our ranks or become reservists,” wika ng opisyal.

Aniya, bahagi ang itinalagang cyber units tulad ng AFP Cyber Group at sub-units sa Army, Navy at Air Force ng kanilang pagsisikap na palalimin ang kanilang depensa laban sa cyberattacks.

Dagdag niya, iniimbestigahan nila ang nasabing cyberattacks upang matukoy ang mga suspek at posibleng motibo ng mga ito. RNT/SA