MANILA, Philippines- Sinabi ng bagong itinalagang National Bureau of Investigation (NBI) Director na si Jaime B. Santiago nitong Biyernes, Hunyo 14, na pangungunahan niya ang pagtutok ng bureau sa cybercrimes dahil sa dami ng mga scam.
Si Santiago, retiradong Manila trial court judge at kilalang sharpshooter nang siya ay opisyal pa ng pulisya sa Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Manila Police, ay nagtungo sa DOJ upang mag-courtesy call matapos na manumpa kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin bilang NBI director.
Sa DOJ, nakipagpulong si Santiago sa mga matataas na opisyal na pinangunahan ni Undersecretary Raul Vasquez na nagbigay ng marching orders sa bagong NBI director.
“As much as possible, pagandahin pa ang serbisyo ng NBI, tiwala ng tao ibalik ” sabi ni Santiago tungkol sa marching orders sa kanya.
Si Santiago ang pumalit sa pwesto ni NBI Director Medardo De Lemos na pinalawig ang termino noong nakaraang taon.
Aniya, opisyal na niyang sisimulan ang kanyang trabaho sa NBI sa Martes, Hunyo 18, dahil ang Hunyo 17 ay araw ng Eid al-Adha o Feast of Sacrifice.
Makikipagpulong din siya kay De Lemos sa Martes para sa maayos na paglipat sa pamunuan sa law enforcement agency. Jocelyn Tabangcura-Domenden