Home NATIONWIDE DA ‘di magrerekomenda ng price cap, SRP sa bigas

DA ‘di magrerekomenda ng price cap, SRP sa bigas

MANILA, Philippines – Hindi irerekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapataw ng retail price ceiling o suggested retail prices (SRPs) sa bigas sa kabila ng double-digit growth sa inflation rate nito.

“Wala kaming plano na magkaroon ng price cap or SRP kasi may mabigat ding epekto ‘yan pagdating ng panahon,” pahayag ni Agriculture Assistant Secretary and spokesperson Arnel de Mesa.

Noong nakaraang taon, naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order 39, na nagmamandato ng price cap na P41 kada kilo sa regular-milled rice at P45 kada kilo sa well-milled rice.

Ang price cap ay ipinatupad mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 4.

Sa kabila ng paglalabas ng EO 39, patuloy na umarangkada a rin ang rice inflation noong Setyembre 2023 sa 17.9% at nagpatuloy pa ang pagtaas hanggang ngayong taon.

Noong Marso 2024, ang rice inflation ay bumilis pa sa 24.4%, pinakamabilis sa loob ng 15 taon mula sa naitalang 24.6% noong Pebrero 2009.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mananatiling malakas ang rice inflation hanggang Hulyo.

Sa kabila ng double-digit, year-on-year rice inflation, sinabi ni De Mesa na ang retail prices ng bigas ay bumababa month-on-month.

“‘Yung presyo ng bigas bumababa from P52 [per kilo] last month. Ngayon, nasa P50 to P49 [per kilo],” aniya.

Ani De Mesa, ang campaign promise ng Pangulo na mapababa ang retail price ng bigas sa P20 kada kilo ay nananatiling “aspiration and goal” ng DA.

“Bagamat sa panahon ngayon medyo [hindi] pa po talagang maabot pero ‘yung aming mga plano at aktibidades are geared towards reducing the cost to produce and for us to be competitive in the future,” anang opisyal.

“Kung kayang gawin ng ating mga karatig bansa na mapababa ang cost of production ay gagawin din natin,” dagdag pa niya. RNT/JGC