MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong indibiduwal kabilang ang isang ina na umano’y sangkot sa pagkidnap sa kanyang sariling anak na 13-anyos sa bayan ng Hagonoy.
Kinilala ang mga suspek na sina Maryrose Mediina, 42, alyas “Elmarie” ina ng biktima, residente ng Brgy. Sagada, kasabwat na sina Eleonor Bolosco ng Brgy. Menzyland at Adrian Cortez, security guard ng Brgy. Mojon ng lungsod Malolos habang hindi na pinangalanan ang lalaking biktimang Grade 7 student.
Sa inisyal na imbestigasyon at sa salaysay ng amang negosyante na hindi rin pinangalanan, umalis ang kanyang anak at nagpunta sa kanyang kaklase bandang 3:00 ng hapon nitong Abril 4.
Ayon sa ama, hindi na bumalik ang kanyang anak at isang hindi nakilalang indibiduwal ang tumawag sa kanyang phone na nanghihingi ng P3 milyon bilang ransom para pakawalan ito.
Nabatid nang gabing iyon ay agad na tumungo at humingi ng saklolo ang ama ng biktima sa Hagonoy Police station.
Dahil dito, bandang 10:40 ng gabi nitong Abril 5 ay nagsagawa ng operasyon ang PIU Bulacan sa pangunguna ni PLTCOL Jesus Manalo, Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit at Hagonoy police station sa pamumuno ni PLTCOL Aldrin Thompson para matugunan ang sitwasyon.
Nang maibigay ang nasa P550,000.00 ransom ay nakuha ang biktima ng kanilang family driver sa isang fast food sa bayan ng Plaridel kasabay ang pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober ng mga awtoridad sa operasyon ang P550, 000.00 ransom money, black Chevrolet SLX na gamit ng mga suspek.
Sinasabing puwersahang ginamit ang biktima ng kanyang ina katuwang ang dalawang kasabwat na palabasing dinukot para ipatubos at makapaghigante ito sa kanyang negosyanteng mister.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso na kasalukuyang humihimas ng rehas na bakal. Dick Mirasol III