MANILA, Philippines – Nakahanda ang Department of Agriculture (DA) na tumingin ng ibang importers ng fertilizers o abono kung maaapektuhan ang suplay at presyo nito sa gitna ng girian sa pagitan ng Israel at Iran.
“Nakausap po natin kanina lamang po si DA Secretary Laurel at sinabi po niya na ready naman po at kung mangyayari man po ito, maaari po tayong kumuha sa ibang parte ng mundo na malapit sa atin katulad po ng Brunei,” ang sinabi ni Presidential Communications Officer at Palace Press Officer Claire Castro.
“At nakikita rin naman po ng DA na hindi naman ito magdudulot ng pangmatagalang problema, lalong-lalo na po kung hindi naman daw po isasara ang sea lanes—so let’s just pray for that,” aniya pa rin.
Nauna rito, nagbabala si Albay Rep. Joey Salceda na maaaring maantala ang suplay ng abono, lalo na ang urea, kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Gulf Region.
Bunsod pa rin ito ng tensyon sa pagitan ng bansang Iran at Israel.
Aniya, 66% ng fertilizer imports ng bansa ay nitrogen-based, at isa sa mga pangunahing supplier nito ay Qatar.
Kaya naman, anumang pagkaantala sa pagpapadala ng abono mula sa naturang rehiyon ay magpapataas ng presyo nito sa lokal na merkado.
Kaya naman, payo niya sa Department of Agriculture, Bureau of Plant Industry, at National Food Authority na maglaan ng pondo para sa logistics resilience at buffer stock sa kanilang 2026 budget proposals. Kris Jose