MANILA, Philippines – Nabuking na may ilang mga nagtitinda ng bigas sa National Capital Region (NCR) na patuloy na nagbebenta ng imported na bigas na mas mataas sa bagong maximum suggested retail price (MSRP) na P58 kada kilo na itinakda ng Department of Agriculture (DA), na ipinatupad noong Lunes.
Napag-alaman na may ilang tindahan na nagbebenta ng imported na bigas sa P60 kada kilo. Ngunit ipinaliwanag ng mga nagtitinda na unti-unti nilang ina-adjust ang presyo.
Aminado ang DA na may ilang mga nagtitinda na nagcha-charge pa rin ng mataas na presyo at pinaalalahanan silang makipag-ayos muli sa kanilang mga supplier.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Arnel De Mesa, “Ire-review ito sa loob ng dalawang linggo, ngunit kailangang agad nilang ayusin ang kanilang mga presyo. Hindi na namin tatanggapin ang P60 hanggang P65 kada kilo.”
Hindi pa pinaparusahan ng DA ang mga hindi pa sumusunod, ngunit maglalabas sila ng mga opisyal na alituntunin at magiging mahigpit sa pagpapatupad nito matapos ang itinakdang grace period.
Samantala, binantayan din ng DA ang presyo ng baboy na tumaas na sa P450 kada kilo. Ang presyo ng kasim ay nasa P320 hanggang P390, at ang liempo ay nasa P360 hanggang P450. Ang pagtaas ng presyo ay dahil sa kasagsagan ng ASF at mataas na demand noong ika-apat na quarter. RNT