MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado, Agosto 10 na maglalagay ito ng mga livestock checkpoint sa buong Luzon kasunod ng mabilis na pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa Batangas.
Sa news release, sinabi ng DA na ang paglalagay ng mga checkpoint ay isang pansamantalang hakbang habang hinihintay pa ng pamahalaan ang pagdating ng mga bakuna kontra ASF, na ang proseso umano ay posibleng abutin ng ilang linggo.
“We have the funds to procure the vaccines and the emergency funds to indemnify hog raisers adversely affected by the resurgence of the ASF virus,” pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sabay sabing mahalaga ang pagbili ng bakuna sa pagkontrol ng outbreak.
Batid naman ng Kalihim na nagkaroon ng delay sa pagkuha ng mga ito.
Para naman kay DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, idinisenyo ang karagdagang border controls para pabagalin ang galaw ng mga may sakit na baboy, na isa sa pangunahing dahilan ng mabilis na pagkalat ng ASF sa Batangas.
“We have set up additional livestock quarantines and will keep it there at least until December 31,” ani Palabrica.
“Policemen along with Bureau of Animal Industry and other DA personnel will man the checkpoints,” dagdag ng DA official.
Makatutulong rin ani Palabrica, ang border controls para maiwasan na maibyahe ang ibang mga may sakit na hayop gaya ng mga ibon.
Sa ulat, 22 sa 26 na barangay na ang apektado ng ASF sa Lobo, Batangas, dahilan para ideklara na ang state of calamity sa naturang bayan.
Matatandaan na nagkaroon ng matinding epekto ang outbreak sa ASF sa national hog population, kung saan bumaba ito mula 12.7 milyon noong 2019 sa 9.9 milyon sa pagtatapos ng 2023.
Sa monitoring ng Bureau of Animal Industry (BAI), kumalat na sa lahat ng 17 rehiyon ng bansa ang ASF at apektado rito ang 74 na probinsya.
Hanggang nitong Agosto 8, 64 na munisipalidad sa 22 probinsya ang may aktibong kaso ng ASF. RNT/JGC