Home NATIONWIDE DA: Walang rice import ban sa harap ng banta ng El Niño

DA: Walang rice import ban sa harap ng banta ng El Niño

1
0

MANILA, Philippines — Hindi magpapatupad ang Pilipinas ng pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng bigas sa kabila ng papalapit na anihan ng palay upang matiyak ang sapat na buffer stock bago ang inaasahang pag-igting ng El Niño, ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Martes.

“There is a big El Niño coming towards November-December. Technically, we have to have buffer stocks for preparation for December, January, February, March, April next year,” sinabi ni Tiu Laurel sa isinagawang inspeksiyon sa New Las Piñas City Public Market.

Umabot na sa 3.3 milyong metric tons ang naangkat na bigas sa bansa hanggang nitong Lunes.

“Actually, 3.3 million metric tons na ang import as of yesterday. Mino-monitor ko iyan every week, and there will definitely be no import ban,” ani Tiu Laurel.

Sa kabila ng mataas na importasyon, naniniwala ang kalihim na hindi na babagsak sa PHP8 hanggang PHP12 kada kilo ang farmgate price ng basang palay, gaya ng nangyari noong wet harvest season noong nakaraang taon.

“I am hoping. But I believe hindi iyan bababa sa PHP8 to PHP12 per kilogram,” sinabi niya.

“Dapat sa traders nasa PHP20 to PHP21 sila wet sana on average,” dagdag niya.

Handa naman ang National Food Authority na bumili ng 500,000 metric tons ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa ilalim ng flexible palay procurement scheme nito.

“The difference this year and last year, the NFA is ready to buy rice. We are ready to buy 500,000 metric tons of palay from local farmers, hindi kagaya last year,” ani Tiu Laurel.

Naglaan ang DA ng humigit-kumulang PHP20 bilyon para sa pagbili ng lokal na palay ngayong 2026, mahigit doble sa PHP9-bilyong pondo noong nakaraang taon.

“So more than times two. That will surely help our farmers,” sinabi niya.

Plano ng NFA na bilhin ang sariwa o basang palay sa PHP21 kada kilo, habang PHP25 hanggang PHP27 kada kilo naman ang tuyong palay.

Iniutos din ni Tiu Laurel ang agarang pagluluwag sa mga warehouse ng NFA simula Setyembre upang magkaroon ng puwang para sa mas malawak na pagbili ng palay. Palalakihin din ang pagpapalabas ng luma ngunit de-kalidad na rice stocks sa ilalim ng PHP20 kada kilong Benteng Bigas Meron Na program. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here