MANILA, Philippines – Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang Department of Agriculture (DA) at administrasyong Marcos sa kabiguang lutasin ang lumalalang krisis sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, ang mga patakaran ng DA sa ilalim ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ay nagdulot ng matinding pinsala sa mga magsasaka at mamimili.
Kinondena ni Ramos ang Executive Order 62 na naglalayong pababain ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagbawas ng taripa sa imported na bigas.
Sa halip, nagresulta ito sa P9.1 bilyong lugi sa kita ng gobyerno mula sa taripa at 8.4% na pagbagsak ng presyo ng lokal na palay, na sumira sa kita ng mga magsasaka.
Aniya, ang polisiya ay pabor lamang sa mga negosyante, kung saan ang mga importer at trader ay kumita ng P7.265 bilyon nang hindi ibinababa ang presyo para sa mga mamimili.
Kinuwestyon din ng grupo ang kawalan ng bisa ng maximum suggested retail price scheme para sa bigas, na anila’y pumapabor sa malalaking negosyante habang pinapabayaan ang mga magsasaka.
Binanggit ni Ramos na patuloy ang sobrang pagdepende ng Pilipinas sa imported na bigas, na umabot sa 4.78 milyong metric tons noong 2024, kung saan 75% ay galing sa Vietnam.
Nanawagan siya sa agarang pagbasura ng Rice Liberalization Law (RA 11203) at EO 62, na lalong nagpabigat sa krisis sa bigas at nagdulot ng paghihirap sa mga magsasaka at mamamayan.
Hinikayat ng KMP ang gobyerno na palakasin ang lokal na produksyon ng bigas at magpatupad ng tunay na repormang agraryo. Balak nilang sumama sa mga protesta sa Enero 31 upang panagutin ang administrasyong Marcos sa anila’y “kahirapan, korapsyon, at kawalan ng katarungan.” RNT