Home HOME BANNER STORY ‘Dagat ng basura’ sa Las Piñas at Parañaque, ikinabigla ng Malakanyang

‘Dagat ng basura’ sa Las Piñas at Parañaque, ikinabigla ng Malakanyang

2
0

MANILA, Philippines – Labis na ikinabigla ng Malakanyang ang ‘dagat ng basura’ sa Las Piñas at Parañaque.

Ang sinasabing dagat ng basura ang dahilan ng hindi maayos na pagdaloy ng tubig sa lagusan na nauwi sa mataas na tubig-baha sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila (MM) matapos hagupitin ng tropical cyclones Luis at Maymay at southwest monsoon o habagat ang bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na “Lubha po talagang nakakabigla in a way na isa ito sa makikita nating dahilan sa hindi pagdaloy ng tubig sa lagusan. So, ang nais din po ng Pangulo noon pa naman natin ito pinapaalala pero iyong tumambad sa ating mga mata na dagat ng basura – parang may lumalangoy, may gustong lumangoy sa dagat ng basura.”

Ito aniya ang hindi nais ng Pangulo dahil ang gusto aniya ng Punong Ehekutibo ay magkaroon nang maayos na daluyan ng tubig kaya kailangan aniyang ayusin ng pamahalaan, ng mga opisyal ang bagay na ito.

“Ang nais din po nating lahat, ang nais ng Pangulo lahat po tayo magtulung-tulungan. Hindi po kakayanin ng gobyerno na magtrabaho nang magtrabaho pero ang ating mga kababayan ay pabaya nang pabaya tapos magtuturo kung sino ang may kasalanan – lahat po tayo dito ay dapat kumilos, hindi puwedeng nagkukuya-kuyakoy lang tayo lagi,” ang winika ni Castro.

Samantala, nasa kamay na ng mga opisyal ng Barangay ang mahigpit na pagpapatupad ng ₱5,000 multa para sa mga mahuhuling iligal na magtatapon ng kanilang basura sa pampublikong lugar.

Layon ng parusang ito na hikayatin ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang mga basura.

“Kung hindi po natin didisiplinahin ang ating mga mamamayan at patuloy lang silang magtatapon ng basura sa ating mga ilog, mga creek ay paulit-ulit din nating mararanasan ang problema ng pagbabaha sapagkat base po sa ating karanasan, kapag nagbabaha sa ating mga lungsod at humupa na ang baha, anong naiiwan sa ating mga kalye? Tambak-tambak na mga basura,” ang matatandaang sinabi ni San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora sa bagay na ito.

“Unang-una po, mas makikita po ito ng ating mga ginagalang na mga barangay officials – nasa kamay ninyo po iyan at kung makikita naman po at mayroong CCTV cameras na nandidiyan po maaari naman po ito agad makita ng ating mga opisyal sa barangay,” ang tinuran naman ni Castro.

“So, doon pa lang po sana ay maayos na dahil malaki pong tulong kung mismong ating mga taga-barangay ay although alam nating magsisipag sila pero mas magdoble pa po ng pagtatrabaho para po maiwasan natin ito kasi tayo rin po lahat ang magiging biktima nito, ng mga basurang itinapon natin, talagang babalik at babalik sa atin,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here