MANILA, Philippines – Inaresto ang isang lalaki na nakasuot ng opisyal na uniporme ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos umano itong mahuling nagpapara ng mga motorsiklo at trak nang walang maipakitang ID.
Kinilala ang suspek na si Marc Arquero, 39, na inaresto bandang 6:20 p.m. noong Agosto 10 sa Road 10 kanto ng Jacinto Street, Barangay 100, Tondo, Manila.
Ayon sa pulisya, napansin ng mga tunay na MTPB traffic enforcers si Arquero habang nakatayo sa gilid ng kalsada, nakasuot ng MTPB polo shirt, at nagpapahinto ng mga motorista. Nang hingan siya ng pagkakakilanlan, wala umano siyang naipakita.
Dahil dito, agad siyang inaresto at kinumpiska ang suot niyang MTPB upper garment, na itinuring na ebidensya.
Dinala si Arquero at ang nakuhang uniporme sa himpilan ng pulisya bandang 1:15 a.m. noong Agosto 11 para sa imbestigasyon.
Si Arquero, na nakatalang walang trabaho at residente ng Tondo, ay nananatiling nasa kustodiya ng pulisya.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga reklamong isasampa sa Manila Prosecutor’s Office dahil sa umano’y paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority and Official Functions) at Article 179 (Illegal Use of Uniform or Insignia) ng Revised Penal Code. Jocelyn Tabangcura-Domenden